top of page
Search

SUMASAMBA SA DIYOS-DIYOSAN???

  • Writer: Mari Yohan Bar Thoma
    Mari Yohan Bar Thoma
  • Aug 30, 2021
  • 4 min read

Updated: Aug 31, 2021


Minsan ng naging Katoliko si Elsa pero dahil sa walang matibay na pundasyon, naaya na sumama sa kumare niya kasi malaki ang utang na loob niya rito. "Tara! Sumama ka sa akin mag prayer meeting. Masaya doon at may pagkain. Makikinig ka lang naman."

Iniisip ni Elsa na wala naman sigurong masama at ang sabi sa sarili, "iisa lang naman yang Diyos. Pare-pareho lang mga iyan. Kaya wala naman masama para sumama ako. Tsaka baka maalala pa ni kumare ang utang ko kaya dapat lang sumama ako." - sa isip-isip niya.

Natapos ang prayer meeting at tinanong si Elsa ng kumare niya, " Sabi ko sa iyo e. Hindi ba masaya?" "Oo nga e! Ang saya! Puro kantahan at sayawan. Naiyak pa ako doon sa sinabi na Pastor. Talagang tinamaan ako." sagot ni Elsa.

Lumipas ang mga araw at sa tuwing may prayer meeting, lagi ng sumasama si Elsa. Lagi siyang nakikinig sa mga pangaral at dumating ang panahon na nagpabinyag kasi yan ang sinabi ni Pastor.

Madalas niyang naririnig na mali ang turo ng Simbahan Katoliko at ang mga turo nito ay taliwas sa sinasabi sa bibliya. Tanging ang bibliya ang saligan ng mga Kristiyano sapagkat ito ang salita ng Diyos.

"Tama." sabi ni Elsa. "Lahat ng mga nakalakihan ko ay puro mali." "Tama si Pastor."

May nanay pa si Elsa at mahal na mahal niya ito. Iniwan sila ng kanyang ama noon kaya tanging ang kanyang ina ang bumuhay sa kanilang dalawa. Madalas niyang makita na nagdarasal ang kanyang Ina. Sa katunayan, mayroon itong maliit na altar na kung saan ay may imahen ng Nazareno. Bagamat may katandaan na, hindi pa rin tumigil sa pagdarasal sa harap ng kanyang munting altar. Parating malinis dahil laging pinupunasan at kung minsan ay kinakausap ng kanyang ina ang Poon na animo parang tao. Hinihingan ng tulong o kaya naman kinikwentuhan.

Malapit si Elsa at ang nanay niya sa isa't isa marahil bunga na rin na hindi na nakapangasawa si Elsa sa pagaalaga sa kanyang naghihina ng ina.

Pero magmula ng nagpabinyang si Elsa, parati na silang nagtatalo tungkol sa pagdarasal nito sa kanyang altar. "Nay! Mali ho ang ginagawa ninyo. Hindi po tama na manalangin diyan sa rebulto na iyan. Sabi sa bibliya na huwag sumamba sa diyos-diyosan. E bkit ba kayo nagdadasal diyan? Doon kayo dumirekta sa Diyos na buhay. Tumingin kayo sa langit at doon mo makikita ang Diyos. Hindi diyan."

"Ito na lang ang kasiyahan ko." sabi ng kanyang ina. "Dito ako nagdadasal kahit noon pa noong iwan tayo ng ama mo. Noong panahon na hindi ko alam kung paano tayo makakain sa liit ng kinikita ko sa pagtitinda. Dito ako lumalapit kapag nagkakasakit ka. Iniiyakan ko at pinapahiran kasi wala akong alam na ibang paraan para gumaling ka kundi manalangin sa Kanya."

"Mali nga ho yang ginagawa ninyo!" Hindi ho tama yan. Mahal ko kayo at hindi ko kayang tiisin na makita kayo na mali ang ginagawa ninyo. Lalo na kung ang ginagawa ninyo ang siyang magdadala sa inyo sa impiyerno! galit na sinabi ni Elsa sabay kuha sa poon at inihagis sa may pintuan. Nabasag ang Nazareno at hindi na maiiayos pang muli. Nang makita ito ng kanyang ina, ito ay lumuha na para bang nawalan ng isang minamahal sa buhay. Humihikbing tumalikod pabalik sa kanyang higaan. Wala kahit isang salita ang lumabas sa kanyang bibig. Humiga at pumikit.

Si Elsa naman ay para bang naalisan ng tinik sa kanyang dibdib habang nililinis ang kalat sa may pintuan. Itinapon sa basura at pagkatapos ay nilapitan ang kanyang ina upang magpaalam aalis. Mamamalengke dahil malapit ng magdilim at upang makapagkuto ng hapunan. Umalis si Elsa na maginhawa ang kanyang pakiramdam. Wari mo'y may nagawa siyang mabuti.

Pagbalik, sinimulan magluto para may makain na silang magina. Napansin ni Elsa na nakahiga pa rin ang kanyang ina at sinabi niya sa kanyang sarili na mamaya na lang niya gigisingin kapag luto na ang kanilang kakainin.

Niluto ni Elsa ang paboritong ulam ng nanay niya para makalimutan kahit paano ang insidenteng nangyari kanina. "Nay. Gising na. Kakain na po. Niluto ko ang paborito ninyong ulam. Pinangat na isda. Gumising na ho kayo." Pero hindi tumayo ang kanyang ina. "Gising na ho." Pero hindi kumilos ang kanyang ina. Nilapitan ni Elsa ang kanyang ina ngunit ng kanyang hawakan, napahiyaw siya dahil malamig ang kamay ng kanyang ina. Inalog niya upang gisingin pero wala na. Patay na ang kanyang ina.

Halos mabaliw si Elsa sa pangyayaring iyon. Hindi niya alam ang gagawin. Nagsisigaw siya ng napakalakas na kung saan napansin ito ng kanilang kapitbahay. Nagsidating ang mga ito at halos sila na ang kumilos upang masiayos ang labi ng ina ni elsa sapagkat halos hindi makapagsalita ito sa trauma sa pagkawala ng kanyang ina.

Magmula sa burol hanggang sa paglilibing, walang imik si Elsa. Tanging litrato lang ng kanyang ina ang tangan nito.

Nilagay ni Elsa ang litrato ng kanyang ina sa altar kung nasaan nakalagay dati ang poon ng Nazareno.

Doon siya nagsimulang humagulgol at nagiiyak. "Patawad inay!" Paulit ulit na sinasabi ni Elsa sa litrato ng kanyang ina.

"Kung hindi ko ginawa na basagin ang Nazareno marahil buhay pa kayo. Sana nandito pa kayo."

Lumapit at hinawakan ang litrato punong puno ng pagsisisi. Pinupunasan ang litrato ng kanyang ina hindi lang dahil sa mga luhang pumapatak dito kundi ipadama ang kanyang pangungulila sa pagkawala nito. Pilit na iparating sa litrato ng kanyang ina ang pagmamahal na kanyang pinagkait sa mga huling sandali nito. Haplos na nais niyang ipadama noong nabubuhay pa ito.

Tunay nga nasa huli ang pagsisisi.

Simula noon, walang araw na hindi na niya ginawa ito sa litrato ng kanyang pinakamamahal na ina.








 
 
 

Comments


Post: Blog2_Post

©2021 by OLPMissions. Proudly created with Wix.com

  • Facebook
bottom of page