Gospel for the day
- Mari Yohan Bar Thoma
- Oct 25, 2021
- 2 min read
Lunes sa Ikatatlongpung Linggo ng Karaniwang Panahon
October 25, 2021
Lucas 13, 10-17
Sa Ngalan ng Ama, at Ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen
Buksan mo ang aming mga labi
at pupurihin ka ng aking bibig
Luwalhati sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo
Kapara noong una, ngayon, magpakailanman at magpasawalang hanggang. Amen
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtuturo sa isang sinagoga sa Araw ng Pamamahinga. May isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdaman, gawa ng masamang espiritung nasa kanya. Siya’y hukot na hukot at hindi na makaunat. Nang makita ni Hesus ang babae, tinawag niya ito at sinabi, “Magaling ka na sa iyong karamdaman!” At ipinatong ni Hesus and kanyang mga kamay sa babae; noon di’y nakaunat ito at nagpuri sa Diyos. Ngunit nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Hesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya’t sinabi niya sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang ipagtrabaho. Pumarito kayo sa mga araw na iyan upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga.” Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagpaimbabaw! Hindi ba’t kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga? Ang babaing ito na mula sa lipi ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon. Hindi ba dapat na siya’y kalagan kahit na Araw ng Pamamahinga?” Napahiya ang lahat ng kalaban ni Hesus sa sagot niyang ito; at nagalak naman ang madla sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon
Espiritual na Pakikinabang
O Hesus ko, naniniwala ako na ikaw
ay tunay na naririyan sa Banal na Sakramento.
Minamahal Kita ng higit sa lahat
at ninanais ko na Ikaw ay tanggapin sa aking kaluluwa.
Bagama’t sa sandaling ito ay hindi Kita matatanggap
sa paraang sakramental,
pumarito ka man lamang sa aking puso
sa paraang espiritwal.
Tinatanggap Kita na Ikaw na naririto
at buong puso akong nakikipag-isa sa Iyo.
Huwag mong pahintulutang ako’y mapahiwalay sa Iyo.
Amen.
Pagpalain tayo ng Makapangyarihang Diyos
Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo
Lumukob nawa sa atin at manatili sa atin magpakailanman. Amen
Ctto picture







Comments