24th Week in Ordinary Time
- Mari Yohan Bar Thoma
- Sep 12, 2021
- 2 min read
Ika dalawangput apat na Linggo ng Karaniwang Panahon
September 12, 2021
Marcos 8, 27-35
Sa Ngalan ng Ama, at Ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen
Buksan mo ang aming mga labi
at pupurihin ka ng aking bibig
Luwalhati sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo
Kapara noong una, ngayon, magpakailanman at magpasawalang hanggang. Amen
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus, kasama ang kanyang mga alagad, ay nagtungo sa mga nayon ng Cesarea, sakop ni Filipo. Samantalang sila’y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo; at may nagsasabi pang isa kayo sa mga propeta.” “Kayo naman – ano ang sabi ninyo? Sino ako? tanong niya. “Kayo ang Kristo,” tugon ni Pero. “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.
Mula noon, ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Siya’y itatakwil ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba at ipapapatay. Ngunit sa ikatlong araw, muli siyang mabubuhay. Maliwanag na sinabi niya ito sa kanila. Kaya’t niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. Ngunit humarap si Hesus sa kanyang mga alagad at pinagwikaan si Pedro: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
Pinalapit ni Hesus ang mga tao, pati ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Mabuting Balita ay siyang magkakamit niyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Espiritual na Pakikinabang
O Hesus ko, naniniwala ako na ikaw
ay tunay na naririyan sa Banal na Sakramento.
Minamahal Kita ng higit sa lahat
at ninanais ko na Ikaw ay tanggapin sa aking kaluluwa.
Bagama’t sa sandaling ito ay hindi Kita matatanggap
sa paraang sakramental,
pumarito ka man lamang sa aking puso
sa paraang espiritwal.
Tinatanggap Kita na Ikaw na naririto
at buong puso akong nakikipag-isa sa Iyo.
Huwag mong pahintulutang ako’y mapahiwalay sa Iyo.
Amen.
Pagpalain tayo ng Makapangyarihang Diyos
Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo
Lumukob nawa sa atin at manatili sa atin magpakailanman. Amen





Comments